Ang Batas sa Pilipinas ay Ginawa ng Mayayaman para Parusahan ang Mahihirap
Ang Batas sa Pilipinas ay Ginawa ng Mayayaman para Parusahan ang Mahihirap.
Nakakalungkot ang realidad na ito. Napakarami na ang namatay at nawalan ng mahahalagang ari-arian sa atin ngunit may nabalitaan na ba kayo na naipakulong na mga may-ari ng kompanya o opisyal ng pamahalaan na naging dahilan ng kasawiang ito? Hindi ba't kapuna-puna na ang mga naipapakulong ay mga pahinante at mahihirap na manggagawa lamang.
Puro imbestigasyon na biglang nahihinto upang magsimula na naman ng bagong imbestigasyon. Parang tsubibo di ba? Pero ang mga maysala ay patuloy sa kanilang pagkamal ng salapi!
Dito lamang sa Olongapo City, mula't sa katotohanan ang balana na ang bunganga ng Kalaklan River ay unti-unti nang nasasarhan dahil sa patuloy na pagtatambak o reklamasyon ng mga Gordon sa kanilang Gordon Park.
Ang Kalaklan River ay tanging lagusan ng tubig palabas ng lungsod patungo sa Subic Bay.
Taun-taon ay gumagastos ang pamahalaan ng P10 milyon para sa dredging ng ilog, ngunit ang nakakatawa ay mismong sa bunganga ng ilog itinatambak ang nahuhukay na buhangin. Bulag ang mga opisyal ng DENR dito, hindi rin sisitahin ng city hall dahil mga tauhan ng Gordon ang mga tao dito.
Hinihintay na lamang ng mga resuidente na maganap ang isang trahedya, upang sakali ay matawag pansin ang mga nasa pamahalaan at gumawa ng imbestigasyon. At least, kahit papaano ay mahihinto pansamantala ang kabulukan ng sistema sa pook na ito.
Magdasal na lamang tayo sa ating kaligtasan dahil hindi para sa iyo ang batas ng kaligtasan ng pamahalaan. Ang para sa atin ay iyong para tayo ay maparusahan dahil sa paglabag ng kahit isang sentimong kasalanan.
|