
Hindi makakatulong ang paggamit ng mga politiko sa altar ng Simbahan para isulong ang anumang layuning pampolitika maging ang naisin ay para sa kabutihan ng bayan.
Ang simbahan ay para sa sagradong paglilimi ng ating diwa at kilos. Ito ay nakalaan lamang para sa pakikipag-ugnayan sa Maylikha, kay Kristo, o kay Jehova, o kung alinmang Pangalan na iniuukol natin.
Ang politika sa Pilipinas ay napakadumi, marahas at halos wala nang pitagan. Hindi ganito ang Simbahan na may kabanalan at pitagan.
Halos lahat ng politika ay umaasa sa limos mula sa sugal, prostitusyon, maging sa droga at iba pang iligal na naglalagay sa bingit ng kamatayan sa kanioang nasasakupan. Ang Simbahan ay nagliligtas sa mamamayan. Napakalayo ng agwat ng kanilang diwa at kilos.
Isa pa, kung paghahaluin ang Simbahan at politika, hindi rin malayo na dumating ang panahon na ang maglalaban ay hindi na partidong kinaaaniban at sa halip ay labanan ng relihiyon--- Katoliko laban sa Iglesia ni Kristo o laban sa Islam o laban sa Buddhism o laban sa Jehova o laban sa Born Again. Ayaw nating balikan ang panahon ng dark ages, hindi ba?
